repeat: pagsasalin
Elehiya
Joel Toledo
Nagtataka ako ngayon kung bakit ang lahat ay nahuhumaling
sa kalungkutan. Palagay ko, kailangan nating lahat ang gayong
sahi ng pagkapukaw, wari nitong pagkamingaw ko
para sa samu’t saring duag ng dapithapon, ang munting
litik sa aking dingding, ang mga tambalang kabulungan
ang isa’t isa habang nasa mga upuan ng mga pasyalan.
Nagpatugtog ako ng awitin at ang berso nito’y sadyang
lumalamon sa aking dibdib at kay-sidhi ng dalamhati
kailangan ko humakbang palayo, matandang kabataan,
patungo sa pinakamaaga kong alaala: karagatan, ang mga bato nito,
ang bughaw na sulong ng umahong daluyong. Palagay ko
kahalili nito ang pagdamay, ang abo’t tanaw
na nagdidiin kung gaano katayog ang mga bagay-bagay, at
lagi’t lagi ang yaong malawak na kalawakan ng, ewan, kung ano man,
kawalan. Kalungkutan ng pag-iisa marahil. Minsan, ang ingay
ng lungsod ay kumakanulo sa ninanais kong masabi.
Yaong mga muffler at kung ano man yaong hinuhugong
ng mga simaron na makinang dumaraan
sa hulog ng Tula ukol sa ano na nga ba ang pinaka-akmang
salita? Hindi ko na ito halos marinig ngayon,
yaong salita, nagkukubli sa kanyang sariling lilim
na inanas ng isang nagbugtong-hininga,
nagpaparaya na magpatihulog ang mga dahon sa kanilang karaniwan
at payapang paraan, patungo sa kanilang yano
at matiwasay na lagay. At magigising tayo
sa marilág na gusot at gulo na kinahinatnan
ng ating pamumuhay — niyaong matimtimang pagsisinop,
niyaong paghangad sa banyuhay, niyaong grabedad
para kusutin ang aking mga mata, bumangon, at sadyang
bumigay.